Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Operasyon sa Manila City government normal, pruweba na epektibo ang sistema

0 232

Bago ang lahat, nais kong pasalamatan ang di mabilang na nagparating ng kanilang well wishes at nagdarasal para sa amin ni Vice Mayor Honey Lacuna. Lahat ng inyong pagmamahal at malasakit ang siyang nagbibigay sa amin ng lakas, pag-asa at inspirasyon sa gitna ng lahat ng pagsubok na aming kinakaharap sa Maynila.

Marahil ay di na lingid sa inyo na kami ni Vice Mayor Honey ay kapwa naimpeksyon ng COVID-19, sa kabila ng ibayong pag-iingat na aming ginagawa habang patuloy na isinasagawa ang aming araw-araw na tungkulin sa siyudad.

Labis akong nagpapasalamat at natutuwa na si Vice Mayor Honey, na unang nagpositibo isang linggo bago ako, ay nakalabas na ng ospital at kinukumpleto n alamang ang kanyang oral medications sa bahay, kung saan siya ay mananatiling naka-quarantine nang isang linggo, sa rekomendasyon ni Dr. Grace Padilla, direktor ng Sta. Ana Hospital na pag-aari ng pamahalaang-lokal.

Sina Dr. Padilla, pati na si Dr. Nerissa Sescon na hepe ng Manila Infectious Disease Control Center, ang siyang pangunahing nag-alaga kay vice mayor at ngayon ay sa akin, gaya ng lahat ng pasyente sa naka-confine sa naturang ospital.

Aking pinapupurihan at pinasasalamatan silang lahat pati na ang lahat ng health workers at medical personnel na patuloy na hinaharap ang panganib ng impeksyon upang makapagligtas lamang ng buhay.

Ang nangyari sa akin at kay vice mayor ay isang malinaw na pruweba na ang bakuna ay di maaring ituring na ‘immunity’ kung kaya’t patuloy kaming kumakampanya para sa mahigpit na pagsunod sa health protocols gaya ng maayos na pagsusuot ng facemasks, madalas na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.

Kami ay kapwa fully-vaccinated ng Sinovac at sa kabila niyan ay na-impeksyon pa din kami. Kahit pa di na mabilang ang aming dinaanang swab test na pawang negatibo sa nakaraan, hindi na kami nagulat pa nang kami ay magpositibo kelan lang, dahil sa pinili naming patuloy na maggobyerno dahil alam naming wala nang ibang maaasahan ang mga tao kundi ang kanilang pamahalaang-lokal.

Gaya ng paulit-ulit ko nang sinasabi noon pa, hindi nangangahulugan na ikaw ay di na tatablan ng virus kapag ikaw ay bakunado, bagamat batay sa mga pag-aaral ng eksperto, ang taong bakunado ay magkakaroon ng karagdagang proteksyon laban sa pagbagsak sa severe o critical condition sakaling siya ay maimpeksyon.

Sa kaso namin, alam kong mangyayari’t mangyayari ito dahil na din sa aming tuloy-tuloy na trabaho na kailangang naming gampanan. Ito ay aming itinuturing na bahagi ng tinatawag na “occupational hazards”.

Habang kami ni Vice Honey ay kapwa naka-confine, patuloy lamang ang operasyon sa Manila City Hall.

Aking ikinatutuwa at talaga namang ipinagmamalaki na batay sa ulat nina City Administrator Felix Espiritu at Secretary to the Mayor Bernie Ang, ang mga hepe ng aming departments, offices at bureaus sa Manila Cty Hall ay patuloy lang sa normal at maayos na pagganap ng tungkulin at ni hindi na kailangan pang paalalahanan kung ano ang dapat nilang gawin.

Lahat ng uri ng assistance na regular na ibinibigay sa mga residente ay nagpapatuloy nang walang humpay at ang dedikasyon at bilis ng kilos ng mga kawani at opisyal ng lungsod sa buong pandemya ay ni hindi nagbago, kahit pa sa panahon ng panandaliang hindi namin pagpunta sa City Hall.

Halimbawa na lamang, tiniyak ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso na masusunod ng Maynila ang 15-araw na deadline na itinakda ng national government para sa pamamahagi ng financial aid mula sa social amelioration program, dahil ang mga nakatalagang daycare at social workers ay nago-overtime kahit di na utusan pa. Ang pamamahagi ng mga benepisyo ng senior citizens, solo parents, persons with disabilities at mga estudyante ay patuloy din batay sa schedule.

Ayon kay Re, mahigit P1 bilyon na mula sa kabuuang P1.5 billion SAP ang naipamigay ng pamahalaang-lungsod, matapos mai-download sa Maynila ang nasabing halaga. Mula sa kabuuang 380,000 pamilya, umabot na sa 257,147 pamilya ang nakatanggap ng nasabing cash aid.

Iniulat naman ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, hepe ng Manila Health Department, na ang patuloy na mass vaccination program ay nakapaglapit na sa Maynila sa 800,000 mark para sa tinatawag na “population protection.

Habang isinusulat ito ay 704,467 na ang fully vaccinated sa lungsod sa kabila ng isktriktong strict scheduling system na ginagawa batay sa regulasyon ng Department of Health. Ang mga nakatanggap ng first dose ay nasa 1,148,237 at ang kabuuang bakunang naituroki ay 1,813, 907.

Ang aming drive-thru vaccination at libreng swab tests ay nagpapatuloy din, pati na ang operasyon sa aming quarantine facilities, city-owned hospitals at Manila COVID-19 Field Hospital na nananatiling normal.

Lahat ng ito ay nangangahulugan lamang na ang sistemang aming nailatag sa pagdadala ng mga pangunahing serbisyo at tulong sa mga residente ay epektibo at kahit pa wala kami sa City Hall, ang aming mga kawani at opisyal ay hindi tumigil sa pagtatrabaho nang lagpas pa sa kanilang “call of duty”.

Saluldo ako sa kanilang lahat, pati na sa aming health at medical frontliners, dahil sa kanilang dedikasyon. Talagang ipinagmamalaki ko kayong lahat at binigyan ninyo ng tunay na kahulugan ang salitang ‘public servant.’

Kudos for a job well done!!!

***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.