Abante Tonite Interactive

Operasyon sa tuhod ni Alas matagumpay

By
187

Magandang balita ang ipinarating ni coach Louie Alas – tagumpay aniya ang operasyon sa kanang tuhod ng kanyang anak na si Kevin.

Inabot ng ACL injury ang batang Alas sa laro ng NLEX kontra Meralco noong Feb. 2 sa Ynares Center. Ang tuhod din na ‘yun ang na-injure noong March ng nakaraang taon, sa Antipolo venue rin, sa pareho pang spot ng court.

Ayon kay coach Louie, ilang araw munang mananatili sa ospital ang anak. Sa Martes ay puwede na itong lumabas.
“Okay naman, medyo masakit pa raw,” pahayag ni Alas paglabas ng dugout sa Smart Araneta Coliseum pagkatapos ng 98-94 overtime loss ng kanyang Phoenix Pulse sa Rain or Shine.

“Usually, ‘yung procedure pagkatapos, puwede na lumabas. Pero na-experience namin last year na after six hours, sobrang sakit kapag wala na ‘yung anesthesia,” dagdag ng coach. “Kaya in-anticipate ko na. Sabi ko, pa-admit ka pa ng one-to-two days para may pain reliever dito na ready.”

Ayaw daw muna ni Kevin na manood ng basketball.

“Ayaw daw muna niya. Siguro kapag nag-umpisa na siya mag-therapy which is after two weeks, o kapag nagre-rehab na. Ayaw daw niya pag-usapan ‘yung basketball,” sabi pa ni coach Louie, nakangiti, bago dinugtong: “Pero tingin ko nanood ng game ‘yun sa ospital.”