Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Opisina ni Calida inatake ng mga hacker

0 255

Hinihintay ngayon ng Department of Justice (DOJ) ang report ng tanggapan ni Solicitor General Jose Calida hinggil sa “data breach” sa opisina nito.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mayroong interes ang kanyang tanggapan para malaman kung ano ang dahilan ng sinasabing “data breach”.

Libu-libong kaso aniya ang hinahawakan ng Solicitor General (OSG) sa Court of Appeals at Supreme Court bilang kinatawan ng pamahalaan, partikular ng DOJ.

“I will appreciate it very much if the OSG will inform the DOJ of its findings, considering the big number of DOJ cases being handled by the OSG,” sabi ni Guevarra.

Inihayag noong Abril 30 ng TurgensSec, isang British cybersecurity firm, na kanilang nalaman ang “publicly accessible data store” ng OSG.

Ayon sa kompanya, lumilitaw na mahigit 300,000 file at mga dokumento ang na-download mula sa OSG ng hindi kilalang third party.

Naglalaman umano ang mga file ng mga staff training document, internal passwords and policies, staffing payment information, financial processes at iba pang aktibidad katulad ng mga ino-audit ng OSG.

Nag-email na umano ang TurgenSec sa OSG para ipabatid ang “data breach” noong Marso 1 at Marso 24 subalit wala silang natanggap na sagot. (PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.