Abante Tonite Interactive

Opisyal dinaga sa ambisyon na maging Chief Justice

By
2,115

Hindi pa man natatanggal sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, isang mataas na opisyal ng gobyerno ang naglalaway na umano sa kanyang puwesto.

Nakarating sa impormasyon ng pet­malung spy na si Mang Teban, type daw ng government official ang puwesto ni Sereno.
Palibhasa’y malapit sa kusina ng Malacañang, nagprisinta daw ang government official na siya ang kunin na chief justice sakaling mapatalsik ng Impeachment Court si Sereno.

Subalit may ilang opisyal ang agad na nainggit sa ambisyon ng kumag kaya gumawa ng paraan para madiskaril ang mabigat na pangarap nito.

Tinakot ba naman ang opisyal na kung maghahangad siyang maging chief justice, baka lumabas ang baho nito sa Judicial and Bar Council (JBC) na siyang sumasala at nagrerekomenda sa Pangulo.

Eh kung si Sereno nga, naungkat ang umano’y topak dahil sa lagapak sa psycho test ng JBC kaya kinabahan itong government official na baka siya naman ang masampolan.

Ang kinalabasan tuloy, surrender na agad si mokong at minabuti na ipagpatuloy na lang ang trabaho sa kasalukuyan niyang puwesto kaysa magulo pa ang kanyang buhay dahil sa inaambisyon.

Clue: Ang government official na dinaga sa kanyang ambisyon na maging kapalit ni Sereno ay isa sa bigatin na opisyal. May letrang S sa kanyang pangalan as in Sulot sa ambisyon.