Abante Tonite Interactive

Opisyal ng BOC timbog sa NAIA jewelry smuggling

By
2,268

Isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dalawang iba pa ang inaresto dahil sa tangkang pagpupuslit ng 1.9 kilogram ng mga gintong alahas na tinatayang nasa P3 milyon ang kabuuang halaga.

Kinilala ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ang inarestong tauhan nito na si NAIA Customs Operations Office V Lomontod Macabando habang ang dalawa pa ay napag-alaman na isang mag-asawa na nakilalang sina Abraham at Bang-sa Mimbalawag.

Nahuli ang tatlo sa NAIA Terminal 3 batay diumano sa sumbong ng isang Customs examiner na siyang nakadiskubre sa tangkang pagpupuslit ng mga alahas.

Ayon kay Lapeña, naghinala ang Customs examiner nang mapansin ang mag-asawang Mimbalawag na karara­ting lamang galing Dubai sakay ng Cebu Pacific, na may inabot na clutch bag kay Macabando.

Pagkatapos ay mabilis umanong lumabas si Macabando sa Customs Arrival Area.

Tinangka umanong pigilan ng mga tauhan ng BOC si Macabando ngunit nagawa nitong makalusot hanggang sa nahuli rin siya ng mga pulis at guwardiya sa NAIA.

Nadiskubre sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na ang clutch bag na ipinasa ng mag-asawang Mimbalawag kay Macabando ay naglalaman pala ng iba’t ibang mga gintong alahas.

Kabilang dito ang 24 piraso ng singsing, 1,029 pares ng hikaw, 155 piraso ng pendant, limang hikaw na may pendant, 19 piraso ng bangles, 295 kuwintas at 101 bracelet.

Ayon kay Lapeña, iniharap na sa piskalya ng Pasay City ang tatlo na nahaharap sa kasong smuggling.

Maliban dito, inatasan na rin ni Lapeña ang Intelligence and Investigation Service ng BOC para tukuyin ang kasong administratibo laban kay Macabando.