Abante Tonite Interactive

Opisyal ng gobyerno magsilbing modelo sa batas

By
563

Kumakalat ngayon sa social media ang sinasabing tahasang pag-abuso at pagpapakita ng kayabangan ng isang opisyal ng gobyerno.

Ang tinutukoy natin ay ang napaulat na umano’y paglabag sa batas trapiko ng grupo ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas sa TPLEX na nakunan pa ng video ng isang motorista.

Over speeding­ sa highway ang akusasyon sa grupo ni Cong. Fariñas at nakita ng publiko na hindi man lang ito gumalang at sumunod sa batas trapiko.

Nabisto na kasama si Congressman Fariñas sa nasabing grupo dahil ito ay mismong nakunan ng litrato sa isang gasoline station nang sila ay huminto.

Walang kuwestiyon na mayaman si Congressman Fariñas at kaya nitong mag may-ari ng mga luxury sports car pero bilang opisyal ng gobyerno ay tama ba ito?

Nakasaad sa ating Saligang Batas na dapat ay mamuhay nang simple ang mga nasa gobyerno at huwag magpakita ng labis-labis na karangyaan.

Napipintasan tuloy ang mga kongresista na gigil na gigil sa Toyota Land Cruiser na isang luxury car ni Supreme Court Maria Lourdes Sereno pero ang mga mambabatas ay mas mamahalin pa ang mga sasakyan.

Kahit pa sabihing sariling pera ng mga kongresista ang binili sa kanilang luxury car ay hindi ito akma sa kanilang tungkulin.

Samantala, makakabuting magpaliwanag na si Cong. Fariñas sa publiko bilang isang mataas na lider ng House of Representatives upang hindi naman mabahiran at maakusahan ang lahat ng mga mambabatas.

Kung ating matatandaan, si Cong. Fariñas ay nagpanukalang mailibre o exempted sa paglabag sa batas trapiko ang mga kongresista dahil kadalasan ay nagmamadali daw na makapunta sa Batasan Complex upang dumalo sa sesyon at gampanan ang tungkulin sa Kongreso.

Hindi natin basta maaakusahan nang diretsahan si Cong. Fariñas na isang abusadong opisyal hangga’t hindi siya nagbibigay ng pahayag ukol dito.

Pero dapat ay ma­ging maingat ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa kanilang mga galaw at marapat na magsilbing mabuting modelo o ehemplo sa mata ng publiko.