Abante Tonite Interactive

Opisyal ng NFA na lalabag sa  SRP ng bigas masisibak

243
Sisibakin na ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na hindi magpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa bigas sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, inutusan niya si NFA Adminstrator Tomas Escarez na tanggalin sa puwesto at ilagay sa floating status sa susunod na linggo ang sinumang opisyal ng NFA na hindi susunod sa SRP ng bigas.
Inutos ito ng opisyal kay Escarez noong Biyernes nang sila ay nasa Ormoc para ilunsad ang SRP ng bigas sa rehiyon.
Kasabay nito ay pinaalalahanan na ang mga provincial manager ng NFA na responsibilidad nilang seguruhing susunod ang mga rice re­tailers sa patakaran na isinaad ng NFA Council.
Base sa guidelines, hindi na tatawaging ‘Sinandomeng’ o ‘Super Angelica’ o ano pa man ang mga bigas na binibenta. Ituturing na lang ang bigas kung ito ay ‘regular milled,’ ‘well milled,’ premium o special rice. Kailangan ding isama na sa label kung ang bigas na ibinibenta ay imported o local.
Higit sa lahat, kailangan ding pasok sa SRP ang bentahan ng regular milled, well milled, at premium rice at tanging ang special rice lamang ang hindi sakop ng SRP.