Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Opisyal ng PNP Aviation tsugi sa ambus

0 202

Patay ang isang pulis matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan sa Barangay Cristo Rey, Capas, Tarlac kahapon ng umaga.

Kinilala ni PRO 3 director Brig. Gen. Val De Leon ang biktima na si SSgt. Michael Icban Maun, miyembro ng PNP Aviation Group na nakabase sa Clark International Airport, Pampanga.

Ayon kay De Leon, lulan ng kanyang kotse ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek matapos itong harangin sa Block 10 ng nasabing barangay dakong alas-6:40 ng umaga kahapon.

Ang naturang ambush ay nakuhanan aniya ng footage ng isang CCTV camera na naka-install sa tabi ng daan.

Agad isinugod sa Ospital ng Capas si Maun subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas umano ng pulis ang barangay road sa nasabing lugar nang biglang nag-overtake sa kaliwa niya ang isang itim na Toyota Altis at hinarangan ang kanyang harapan.

Agad bumaba ang dalawang suspek na armado ng M-16 rifle at 45 cal. pistol at pinaulanan ng bala ang harapan ng kotse ng biktima. Tadtad ng mga bala ang windshield ng kotse.

Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang mga suspek lulan ng sinasakyang kotse na kanilang inabandona sa Sitio Baloy, Barangay Arangonen, Capas. (Rudy Abular)

Leave A Reply

Your email address will not be published.