Abante Tonite Interactive

Opisyal ng PNP nadale ng bukas-kotse

503

Nabiktima ng talamak na bukas-kotse gang ang isang mataas na opisyal ng PNP-PRO4-A habang nakaparada sa kahabaan ng Barangay Sta. Elena, Marikina City kamakalawa ng gabi.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang opisyal na si P/Col. Roland Bulalacao, nakatalaga sa Calabarzon4-A.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-11:00 Miyerkoles ng gabi sa G. Fernando Ave., Barangay Sta. Elena ‘di kalayuan sa Marikina Police Station.

Nakuha ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang passport at cellphone ng pulis matapos basagin ang salamin ng kotse nito habang nakaparada.

Nagsasagawa nga­yon ng manhunt operation ang Marikina-PNP at nirerebisa ang CCTV camera sa lugar para matukoy ang mga suspek. (Vick Aquino)