Abante Tonite Interactive

Oposisyon bakit tahimik sa drug-related crimes? – Palasyo

14

Bumuwelta ang Palasyo ng Malacañang sa mga nananahimik na miyembro ng oposisyon kaugnay sa sunod-sunod na drug-related crimes na naitala ng mga awtoridad.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na nakapagtatakang tahimik ang oposisyon at iba pang kritiko ng administrasyon kabilang ang mga human rights group gayong sunod-sunod ang mga naitalang krimen nitong nakalipas na araw.

Kabilang sa mga ito ang brutal na pagpatay sa isang bank employee sa isang abandonadong gusali sa Pasay City, ang panggagahasa sa isang 17-anyos na dalaga sa General Santos City kamakailan lamang, pagpatay sa ilang menor-de-edad at iba pa.

Ayon kay Anda­nar, hinihintay nila ang anumang isasagot ng oposisyon tungkol sa mga sunod-sunod na karumal-dumal na krimen.

Binigyang-diin pa ni Andanar na una nang sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na huwag siyang sisihin kapag tumaas ang mga drug-related crime matapos na ilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang war on drugs ng administrasyon mula sa Philippine National Police.