Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Oposisyon tinadtad ng fake news

0 144

Umaaray na ang ilang miyembro ng oposisyon dahil sa walang humpay na pagpapakalat ng fake news, higit isang taon bago sumapit ang May 2022 elections.

Suki ng mga fake news si Vice-President Leni Robredo. Nitong Lunes lamang, itinanggi ng Bise Presidente na nagbabakasyon siya sa Palawan. Nahiwagaan daw siya dahil maraming nagpadala ng larawan at may caption na :”Nasaan ang bise presidente? Busy naman pala sa Palawan. Ughhhh.”

“Kalma lang po, hindi ako ‘yan. Andito ako sa opisina, wala sa Palawan,” sagot ni Robredo. Humingi din siya ng paumanhin kay Rachel Alejandro dahil ginamit ang larawan ng mang-aawit sa pagpapakalat ng fake news laban sa bise-presidente.

Kahit na ang nagretiro sa politika na si Mar Roxas, nabiktima rin ng fake news. Matagal din na nawala sa limelight ang dating senador. Pero nang bumulaga ang fake news sa kanya, nagulantang ang dating mambabatas.

Lumabas ba naman kasi sa social media ang balita kuno mula sa online news site na inaresto ng PNP sa isang hotel sa Makati si dating DILG boss na si Roxas dahil sa P200 milyong shabu na inipit sa mga tsinelas na ipapamahagi ng kanyang asawa sa bahay ampunan.

Bihira ngang lumabas ng kanyang lungga sa Cubao, Quezon City si Roxas tapos ipagkakalat pang nahuli siya sa Makati hotel. Hindi nga siya mahagilap ng mga dating constituent sa panahon ng pandemya, tapos ngayon may fake news na tumambay ito sa isang hotel.

Sa mga ordinaryong Pinoy, agad nilang papatulan ang mababasa nilang headline. Pero sa matatalinong mambabasa, hindi papasa ang ganitong kababaw na tirada.

Malapit na naman kasi ang halalan kaya busy na naman ang mga pabrika ng fake news. Ang nakalulungkot nito, posibleng mga politiko rin ang nasa likod ng pagpakalat ng maling impormasyon.

Sa Estados Unidos, ‘binabaril’ ang mga fake news kaya hindi na nagkaroon ng ikalawang termino si dating US President Donald Trump. Sa Pilipinas, laganap pa rin ito. Ang masaklap, nakakaapekto ito sa pulso ng mga botante.

Leave A Reply

Your email address will not be published.