Abante Tonite Interactive

OR at CR ng motorsiklo isinangla

By
2,314

Dear Atty. Claire

Ako po ay isang OFW sa Saudi Arabia na ang problema ko po ay naisangla ng aking mahal na asawa ang aming naipundar na OR at CR ng motorsiklo. P13K po ang sangla niya ng papeles at P36K na po ito ngayon sa loob ng halos 3 taon dahil hindi po nakahulog ang aking asawa.

May karapatan po ba siya na kuhanin ang motor sa aming tahanan at puwede po bang puhunan na lamang niya o hanggang P15K na lang ang aking maibalik sa kanya na may kaunting tubo.

‘Yun na lamang po ang kaya ko. Ayoko naman mawala ang aking pinaghirapan.

Maraming salamat po,

Jay
***
Dear Mr. Jay,

Ang tanong ko ay kung nasaan ka ba nu’ng isinangla ng asawa mo ang inyong motorsiklo? Sa loob ng 3 taon na pagkakautang ay parang imposible na hindi mo alam na nakasangla ang motorsiklo ninyo.

Ang dapat mong ma­laman ay kung may kasulatan ba ang sanglaan at kung may kasulatan din ba na pirmado ng asawa mo tungkol sa interes ng utang. Kung sakali na walang kasulatan lalo na tungkol sa interes ay babayaran mo lamang ang principal na utang na P13K.

Kung ang sanglaan at utangan ay pirmado ng asawa mo ngunit ang OR at CR ay nakapa­ngalam sa iyo at hindi mo alam ang ginawa ng asawa mo tungkol sa sanlaan ay maaari mong ipawalang bisa ang kasunduan nila lalo pa at kung wala kang Special Power of Attorney na ginawa pabor sa asawa mo upang maisangla ang motor. Ngunit kung alam mo naman ang sanglaan at ito ay pinayagan mo ay kailangan ninyong tuparin ang kasulatan at kasunduan ng sanglaan.

Hindi naman kaagad makukuha ang motor dahil kailangan pa niyang magsampa ng kaso para ma-recover ang motor o Replevin at saka ipapasubasta ito sa ­highest bidder.

Ayusin na lamang ang pagkakautang upang hindi na umabot pa sa pagsubasta ang motor.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 922-0245/410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com