Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ordinansang nagtutuldok sa pangungupahan at maging squatter ng Maynila

0 462

Walang pagsidlan ang aking tuwa nang aking lagdaan nitong kelan lamang ang Ordinance No. 8730 na naglalaman ng mga implementing rules and regulations kaugnay ng in-city housing program ng pamahalaang-lokal ng Maynila.

Ang aking taos-pusong pasasalamat para kay Vice Mayor at Manila City Council Presiding Officer Honey Lacuna, majority floorleader Joel Chua, president pro tempore Jhong Isip at sa mga Manila Councilors, gayundin kay Manila Urban Settlement and Housing Office chief Atty. Cris Fernandez dahil tinupad nila ang aking pangarap na bigyan ng pagkakataon ang mga walang tahanang taga-Maynila na magkaroon ng sariling bahay.

Pangarap din namin ito ng nanay at tatay ko. Di man namin nakamit, nakamit naman ngayon ng mga taga-Maynila. Ako ay 23 years na sa public service subalit ngayon lang ako nakakita ng ganitong kakapal na ordinansa.

Di ko ikahihiyang sabihin na kinopya ko ang ideya ng yumaong Singapore Prime Minister Lee Kuan Yew, pati na din ang buong proseso na ginawa sa kanyang bansa para sa pagpapatupad ng matagumpay na ‘socialized housing program’ kung saan ang mga walang malaking kita ay nagawang makabili ng sarili nilang tahanan.

Ang mga beneficiary ng in-city housing sa Maynila ay hindi lamang para sa mga squatters na naninirahan sa paligid ng site kundi maging sa mga nangungupahan sa kasalukuyan.

Kasama sa mga kalakip ng Ordinance 8730 ang ‘terms of payment and ownership’ ng mga housing units, na kailangang bayaran sa MUSHO buwan-buwan. Kapag ang beneficiary ay umasenso na at nagdesisyon na lumipat na sa mas maganda at malaking bahay, ang kanyang ibinayad sa loob ng mga nakalipas na taon ay ibabalik sa kanya upang kanyang magamit sa pagbili ng bagong bahay.

Ang beneficiary at kanyang pamilya ay maaring gumamit ng unit hanggang kelan nila gusto subalit ang pag-aari ay mananatili sa pamahalaang-lokal at tanging mga kadugo lamang ng may-ari ang maaring manatili doon.

Ang dahilan sa likod nito ay ang malungkot na katotohanan na kapag nailipat ang pag-aari sa beneficiary ay maari itong ibenta na nakagawian nang gawain ng ilang mga squatter kung saan mga sindikato na ang nakikinabang.

Ang intensyon namin ni Vice Mayor Honey Lacuna dito ay upang bigyan ng seguridad ang mga walang tahanan na sila ay may matitirhan at may maiiwan silang tirahan sa pamilya kapag sila ay wala na.

Walang sinumang magmamay-ari sa mga beneficiary ngunit habang sila ay nabubuhay sampu ng kanilang lahi, one to sawa sila.

Di namin pwede ibigay ang pag-aari dahil dito pumapalpak ang mga housing program nung araw. Ibinebenta ng beneficiaries ang karapatan sa unit, sukdulang mapunta sila sa kalsada ulit.

Pag nakaisip ng pera, panandalian lang ito. Ang gusto ko, habambuhay na kapanatagan na me masisilungang matino ang mga taga-lungsod na walang bahay, kaya di ko papayagan ang pagkakataon na sila ang magmay-ari.

Kahit di siya ang may-ari ng condo unit, ang beneficiary ay may karapatan na ‘yan ay gamitin niya at ng kanyang pamilya habang siya ay nabubuhay at nariyan ang gusali.

Ang gusto ko ay longterm at walang mamimihasa na magsisindikato o mapapaburan. Ayaw man ibenta ni nanay o tatay kaso binenta naman ng anak. Pag nagkabayaran sa bentahan ayoko, dahil ang gusto ko, magkaroon ng ‘ending’ ang pagiging iskwater o renter.

Nasabi ko nga kay Vice Mayor Honey Lacuna, biro mo, nung araw nangangarap lang ako.. kaya naman nagpapasalamat kami sa mga taga-Maynila at binigyan nyo kami ng pagkakataon at napatunayan naman namin paano magmahal ang pamahalaan sa kanyang nasasakupan.

Sa kaso naman ng empleyado ng lungsod, maari niyang gamitin ang isang unit habang siya ay nagsisilbi sa pamahalaan subalit sa kanyang pagre-retiro, kailangan niyang iwan ang unit nang magamit din ng ibang empleyado. Gaya ng ibang beneficiary, ibabalik din sa kanya ang naipon na binayaran niya buwan-buwan upang magamit niya ang pera sa kanyang pagbili ng bagong bahay.

Ang bawat site ng housing program ay may sariling drainage at water system at kuryente para sa bawat unit, na mayroon namang banyo, laundry area, kitchen, dining at sala at ikalawang palapag na may dalawang kuwarto.

Muli akong nagpapasalamat sa Panginoon at sa mga taga-Maynila dahil sa ibinigay nilang pagkakaton upang maipakita namin ang aming pagmamahal sa kanila at matupad din namin ang aming pangarap na makapagbigay ng bahay sa mga wala nito at mabigyan din ng tuldok ang pangungupahan at higit sa lahat, ang pagiging squatter.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.

Leave A Reply

Your email address will not be published.