Abante Tonite Interactive

Ospital ng Maynila gagawing first class

0 312

Inihayag ni Mayor Isko Moreno ang plano niyang ihanay ang Ospital ng Maynila (OsMa) sa mga first class hospital sa bansa katulad ng St. Luke’s Medical Center at Makati Medical Center.

Sa kanyang pulong sa mga director, doctor, staff at mga nurse sa anim na pinapatakbong ospital ng Maynila, sinabi ni Moreno na suportado niya ang pagkakaloob ng pinakamagandang health care service sa mga mahihirap na residente ng lungsod.

“Basta, ‘pag ang OsMa itinayo at hindi na­ging mas maganda o kasingganda sa Makati Med at St. Luke’s, hindi papasa sa akin. Hindi biro ang pagtatayo ng ospital. Minsanin mo lang, ba’t ‘di mo pa itodo?” ayon kay Moreno.

Gusto umano ni Moreno na maramdaman ng mga mahihirap na pasyente na magiging maayos at mabibigyan sila ng mahusay na pag-aalaga sa ospital.

Nabatid na kasama sa isasagawang rehabilitasyon ng OsMa ang pagpapatayo ng isang school building para sa College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)