Abante Tonite Interactive

Otso Diretso wasak sa mister ni Mega

0 658

Sinisi sa sablay na campaign stra­tegy ni Senador Francis ‘Kiko’ Pa­ngilinan kung bakit nangungulelat sa mga survey ang mga kandidato sa pagka-senador ng Otso Diretso.

Isang beterano sa kampanya ng mga nagdaang eleksyon na ayaw pabanggit ng pangalan ang nagsabing sa simula pa lamang ay nagkamali na ng hakbang sa kanilang campaign strategy ang grupo ng mister ni Megastar Sharon Cuneta na siyang tumatayong campaign manager ng Otso Diretso.

Mas nakilala umano ang pa­ngalang Otso Diretso dahil mas itinulak ito sa kanilang panga­ngampanya kaysa sa pangalan ng bawat kandidato ng oposisyon sa pagka-senador.

Bukod sa mabigat na problemang kinakaharap ngayon ng Otso Diretso kung paanong iaangat ang kanilang mga senatorial candidate, nakadagdag pa dito ang naging pahayag ni Caloocan City Congressman Edgar Erice na sinisisi sa pagkatalo ni senatorial candidate Mar Roxas noong 2016 ang pagiging malapit nito kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Sumiklab ang galit ni Kris Aquino sa naging pahayag ni Erice at hindi napigilang banatan ang mambabatas sa kanyang Instagram.

Kasunod nito, ibinunyag din kahapon ni Kris na in-archived niya ang naunang post tungkol sa mga ipinahayag ni Erice laban sa kanyang Kuya Noy dahil sa pakiusap umano ni Pangilinan.

“i archived my other post not because i don’t stand by everything i said, but because ma respeto akong pinakiusapan ni @kiko.pangilinan ng “ceasefire”. Please know this about me, when i have seen a person is GENUINE, madali akong kausap kaya kong magbigay,” pahayag ni Kris sa kanyang Instagram.

Sabi pa ni Kris nasaktan siya dahil sa kanyang nabasa na inapakan ang pagkatao ng kanyang kapatid at nilaglag pa kung kaya’t pumalag siya.