Abante Tonite Interactive

‘Oust Duterte plot,’ asasinasyon imbestigahan – Palasyo

430

Pinayuhan ng Malacanang si Anthony Castelo ng Dakilang Lahi Foundation na magbigay ng detalye sa mga otoridad kaugnay sa umano’y oust Duterte plot at posibleng asasi­nasyon laban kay Pa­­­ng­u­­­long Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng na­ging pahayag ni Castelo hinggil sa umano’y banta laban sa Pangulo pati na ang posibleng asasinasyon nito lalo na at malapit na ang eleksiyon kung saan watak-watak umano ang mga tao.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ngayon lang niya narinig ang hinggil sa bantang asasinasyon kay Pangulong Duterte kaya dapat magbigay ng dagdag na impormasyon hinggil dito si Castelo.

“Well, sana he can provide us with more information. Or he should provide the police and other law enforcement agencies about the threat on assassination,” ani Panelo.

Tiwala ang kalihim na kayang pangalagaan ng Presidential Security Group (PSG) ang kaligtasan ni Pangulong Duterte gaya ng patuloy na pagbabantay sa seguridad nito maging dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Pero sinabi ni Panelo na hindi naman natatakot mamatay ang Presidente. (Aileen Taliping)