Abante Tonite Interactive

‘Oust Duterte plot’ binuking ni Pulong

0 23,473

Ibinunyag kahapon sa Facebook page ni presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo `Pulong’ Duterte ang pagkilos umano ng mga prominenteng politiko, malalaking kompanya, iba pang mga kilalang personalidad at grupo sa bansa para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang Facebook page, inilantad ni Pulong ang mga pangalan ng mga politiko, mga taong simbahan, mga nasa hudikatura, mga dating miyembro ng gabinete, mga retiradong heneral gayundin ang mga kompanyang nasa likod diumano ng “anti-administration group” o “Oust Duterte Movement”.

Kabilang sa mga personalidad na sangkot umano sa pagkilos ay sina Vice President Leni Robredo, Senador Leila de Lima, Senador Risa Hontiveros, Supreme Court (SC) Associate Justices Antonio Carpio at Marvic Leonen, dating Chief Justice Hilario Davide, dating Vice President Jejomar `Jojo’ Binay, dating Executive Secretary Paquito Ochoa, dating DSWD Secretary Dinky Soliman, dating Budget Secretary Butch Abad, dating PNP Director General Alan Purisima, dating Agrarian Reform Secretary Rene Villa, dating Peace Adviser Ging Deles, dating Anti-Poverty Commission Secretary Imelda Nicolas, dating Finance Secretary Cesar Purisima, dating Trade Secretary Juan Santos, mga dating Customs Commissioner Alberto Lina at Guillermo Parayno, dating National Security Adviser Norberto Gonzales, dating political adviser Ronald Llamas, dating Senador Francisco Tatad, mga retired general na sina Victor Corpuz, Guillermo Cunanan at George Lampe.

Mayroon ding mga kabilang sa simbahan na sina Bishop Broderick Pabilo, Bishop Leo M. Drona, Bi­shop Antonio Realubin Tobias, Bishop Deogracias Iniguez, Bishop Julo Xavier Labayen, Bishop Pablo Virgilio David Bishop Arturo Santos.

Kasama rin umano ang mga grupong Movement Against Tyranny, Tindig Pilipinas, Makabayan Bloc, University of the Philippines Professor Randy David, dating Press Secretary Ducky Paredes, Maria Ressa ng Rappler, Ellen Tordesillas ng Vera Files, Ed Lingao ng TV5, mga estudyante ng Ateneo.

Kabilang naman sa mga malalaking kompanya ang PLDT Inc. ni Manuel V. Pangilinan; ang fast food giant na Jollibee Foods Corp. ni Tony Tan Caktiong; ang American multinational firm na Dole Philippines; ang General Tuna Corp. na siyang gumagawa ng de latang Century Tuna; ang Philsaga Mining Corp. na naka­base sa Davao; Sumi Philippines Wiring System na naka­base sa Bataan at pag-aari ng Japanese multinational na Sumitomo Corp.

Nagpupulong umano ang mga nasabing indibiduwal at grupo sa Maryhill School of Theology sa New Manila, Alfredo’s at Annabelle’s Restaurant sa Tomas Morato Ave­nue, Pandesalan sa Sulu, Rembrandt at UP Hostel na pawang matatagpuan sa Quezon City.

Sabi ni Pulong, may nagbigay sa kanya ng naturang listahan ng mga sangkot para mapatalsik ang Pangulo.