Abante Tonite Interactive

Out ang eSports sa Team Pilipinas

By
942

Isasali ngayong taon sa 18th Asian Games sa Palembang at Jakarta sa Indonesia ang electronic sports o eSports bilang ‘demons­tration sports’.

Pero tulad ng dapat asahan wala ni isang ipapadalang atleta ang Philippine Olympic Committe­e kahit maraming eGamers ang may kakayahang manalo ng medalya.  

Ang eSports event sa AG ay pamamahalaan ng Asian eSports Federation na inihayag noong Mayo 15 ang mga game title na pag­lalabanan. Ito ay ang Clash Royale, Hearthstone, Pro Evolution Soccer, Arena of Valor, Starcraft at League of Legends.

Nagwagi ng bronze medal ang Pilipinas sa eSports sa nakaraang taong 5th Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashqabat, Turkme­nistan, kongkretong kuwalipikasyon na para pumasa sa criteria ang mga PHL eGamer. Pero binasura lang ito ng POC habang isinama sa Asiad delegation ang hindi kuwalipikadong indoor volleyball team.

Kasalukuyan pang isinagawa ang kuwa­lipikasyon para sa Asiad eSports event kung saan hinati sa limang rehiyon ang Asya. Pinaglalabanan sa regional qualifiers sa pamamagitan ng online at offline ang mga silya.

Ang mga magwa­wagi sa regional finals (Offline/Online) ang mga darayo sa Indonesia Asiad.

Kaya lang ngayon pa lang, kahit na may magkuwalipikang mga atleta sa eSports, hindi na agad makakasama sa pambansang dele­gasyon dahil walang itinakdang slot ang POC para sa asosasyon sa electronics at digital games.

Nakakalungkot isipin na ang eSports na inaasahang isasali sa susunod na 2020 Tokyo Olympics, iniisnab lang ng mga namumuno sa PH sports.

Itinakda na rin ang eSports bilang isang opisyal na medal sport sa 2022 Hangzhou Asiad at unang isasagawa ng International Olympic Committee at Global Association of International Sports Fede­rations ang ‘eSports Forum’ sa Hulyo 21 sa Olympic museum sa Lausanne, Switzerland.

Iyan ang kalakaran ng sports sa Pilipinas.