Abante Tonite Interactive

OWWA officer sa Kuwait nagpabaya sa kaso ng Pinay DH sa freezer

By
10,139

Pinagpapaliwanag na ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kuwait na inakusahang nagpabaya sa kaso ni Joanna Daniela Demafelis na natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.

Nabatid na hindi nagustuhan ni Bello ang umano’y naging sagot ng welfare officer sa kapatid ni Demafelis na sinabihan umano na “Maghintay-hintay ka” dahil marami pa itong trabahong inaasikaso.

“Kahapon (Lunes), nag-issue ako ng memo for them to explain their inaction na presented by the sister of Joanna,” ayon kay Bello. “Ang sagot ng ating welfare officer daw, ‘Maghintay-hintay ka. Hindi pa nakikita ang tambak na papel sa harap niya’.”

Sa sandaling mapatunayang nagpabaya sa kanilang trabaho ay mahaharap sa recall order at mga kasong administratibo ang mga opisyal ng OWWA na hindi umaksyon sa reklamo ng pamilya ni Demafelis.

Huli umanong nakausap ng kanyang pamilya si Demafelis noong Pebrero 2017 kaya’t humingi na sila ng tulong sa OWWA upang hanapin ito.

Depensa naman ng mga opisyal ng OWWA na ginawa nila ang kanilang makakaya upang hanapin si Demafelis, ngunit bigo sila dahil nagsarado na ang recruitment agency nito.

Kaugnay nito, isiniwalat naman kahapon ni Philippine Ambassador Rene Villa na nangako na ang gobyerno ng Kuwait na ipapa-extradite nila ang dating employer ni Demafelis sa loob ng dalawang linggo, kung nasa Lebanon pa ito.

Ngunit kung tumakas na patungong Syria si Nader Essam Assaf, sinabi ni Villa na mahihirapan nang maaresto ang suspek sa pagpatay sa Pinay domestic helper. Si Assaf ay isang Lebanese na may-asawang Syrian.

“If the suspects are in Syria, the interior ministry has admitted that it will be very hard for them to make any arrest since Syria is currently in the midst of a civil war. We pray for the quick arrest of the perpetrators,”ayon sa pahayag ni Villa na lumabas sa Kuwait Times.