Abante Tonite Interactive

P 2M shabu nakuha sa naarestong akusado sa tangkang pagpatay

282

Madalas na marinig sa mga matatanda na ang puno ng mangga ay hindi kailanman mamumunga ng saging kaya’t dito hinango ang bantog na salawikaing “kung ano ang puno, siya ang bunga” na ginagamit namang paghahambing ng anak sa kanyang mga magulang.

Ginagamit ang pagkakaroon ng bunga ng isang punongkahoy sa paghahambing o pagkukumpara ng mga anak sa kanilang mga magulang, hindi lamang sa kani-kanilang panlabas na kaanyuan kundi higit sa lahat ay sa panloob na pag-uugali.

Maaaring makuha ng isang anak sa kanyang ama o ina ang panlabas na anyo o kaya ay mamana nila ang pag-uugali dahil ang mga magulang ang humuhubog sa buong pagkatao o pag-uugali ng kanilang mga anak.

Ibig sabihin, kung sa kanilang pagsilang ay hinubog na kaagad sila sa wastong pag-uugali at naipapa­kita ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kanilang mga tamang gawi, hindi malayong ito ang gayahin o manahin nila sa kanilang paglaki.

Subalit kung sa simula pa lamang ay pinalaki na ng mga magulang ang kanilang mga anak sa hindi tamang pamamaraan o hindi man lamang gumawa ng kaukulang hakbang upang mahubog ang kanilang kaalaman sa tamang paraan at wastong pag-uugali, hindi malayong maligaw ng landas ang kanilang mga anak.

Sa ganitong pagkakataon, kalimitang nasisisi ang mga magulang kapag tuluyang nalusak sa kumunoy ng kasamaan ang kanilang mga anak lalo na’t sa simula pa lamang ng kanilang pagkabata ay naging pabaya na ang mga magulang.

Maa­aring karaniwan na ang ganitong sitwasyon sa pamilyang kabilang sa mga nagdaralita subalit hindi maikakaila na mas madalas na nagaganap ito sa maimpluwensiya, mayaman at makapangyarihang pa­milya na lubhang nakakapangamba lalo na kapag buhay na ng tao ang pinag-uusapan.

Nang malutas ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Rolando Bala­sabas ang naganap na tangkang pagpatay sa pamamagitan ng pamamaril sa isang mangingisda noong Disyembre ng taong 2019, higit pa sa kasong frustrated murder ang kanilang napagtagumpayan dahil sa pagkakadiskubre sa bulto-bultong shabu na nasa pangangalaga mismo ng nadakip nilang suspek.

Nagsimula ang ginawang pag-­TUGIS ng mga tauhan ng Navotas police sa 19-anyos na si John Rey Marasigan matapos siyang kilalanin ng kanyang 18-anyos na biktima na himalang nabuhay sa kabila ng mga tama ng bala sa katawan at braso.