Abante Tonite Interactive

P 7M shabu nasabat sa Nigerian, apat pa

341

Umaabot sa pitong milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang Nigerian national at apat pang kasamahan nito sa sa Quezon City, nitong Miyerkoles nang gabi.

Kinilala ni PDEA Director Levi Ortiz, ang nadakip na sina Efeanyi Chinweuba, Nigerian national at kasabwat umanong sina Jamal Sumangan Landuan, Karen Christine Mallari, Amrudin Hadji Hassan at Rudin Hadji.

Alas-10:00 nang gabi (July 31) nang isagawa ang buy – bust operation ng mga ahente ng PDEA-National Capital Region (NCR) sa EDSA cor.

Congressional Avenue, Brgy. Ramon Magsaysay, at nasamsam sa mga suspek ang higit isang kilo ng hinihinalang shabu na may halagang pitong milyon.

Ayon sa PDEA, may mga operasyon umano ang mga nahuling suspek sa Baclaran at Cavite. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Nigerian Embassy upang malaman kung may mga kaso pang kinasasangkutan si Chinweuba.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong grupo ang kinasasangkutan ng mga ito matapos na makatanggap sila ng impormasyon na malakihan ang operasyon ng mga ito sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa. (Dolly Cabreza)