Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P1.5B nakumpiskang shabu sa mga Chinese, smuggled

0 92

Inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) spokesperson Derrick Carreon na ‘smuggled’ o galing sa ibang bansa ang mga nakumpiska ng kanilang ahensiya at ng Philippine National Police (PNP) sa magkakasunod na anti-illegal drug operation kung saan apat na Chinese national ang naaresto at isa pa ang sinasabing nanlaban kaya namatay, nitong Linggo.

Ayon kay Carreon, posible umanong naipuslit sa bansa ang tone-toneladang shabu na nakumpiska at umabot sa halagang P1.482 bilyon sa pamamagitan ng mga seaport, airport, mail at parcel system.

“It’s possible they did smuggle the contrabands here in our country, kasi wala nang kahit isang shabu laboratory sa bansa para mai-produce ang lahat ng ‘yan.”

Magkakasama aniya sa Golden Triangle drug syndicate ang mga nadakip na Chinese sa magkahiwalay na operasyon base na rin sa packaging na ginamit na pawang nakabalot sa green tea bags.

Ayon pa sa opisyal, ang droga na naipasok sa bansa ay pinaniniwalaang nagmula sa Thailand, Myanmar at Laos kung saan malaki aniya ang produksyon ng shabu.

Matatandaang unang nadakip ang tatlong Chinese national kamakalawa sa Barangay San Bartolome, Novaliches, QC dakong alas-10:30 ng umaga kung saan nakumpiska ang 127 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P863 milyon.

Alas-11:30 naman ng umaga naaresto ang isang pang Tsino sa operasyon sa Gen. Luis St., Paso De Blas, Valenzuela City at nakasamsam ng 15 kilo ng shabu na nagkakahalagang P102 milyon.

Nasawi naman ang isang Chinese national nang manlaban umano sa mga awtoridad sa operasyon sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan kung saan nasamsam ang 75 kilo ng shabu na nagkakahalagang P510 milyon. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.