Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P1.5B shabu nilaban ng patayan

0 85

Tinatayang humigit-kumulang sa P1.58 bilyong halaga ng droga ang nasamsam habang namatay naman ang sinasabing lider ng isang drug group at kasamahan nito, at naaresto naman ang isang mag-asawa sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Cavite, Huwebes ng gabi.

Sa unang operasyon, kinilala ang mga napatay na sina Basher Bangon, 50, tubong Cagayan De Oro City, at lider umano ng Basher Bangon Drug Group, at Danilo Untavar, 51, ng Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite habang sa ikalawang operasyon ay kinilala ang mga suspek na mag-asawang Aldwin Micoleta, 47, at Lani Micoleta, 45.

Sa ulat, dakong alas-9:27 kamakalawa ng gabi nang magsagawa ng buy-bust ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na siyang lead sa operasyon, PDEG, PRO-4A, NCRPO, Cavite PPO, at Dasmariñas City Police sa Springville Executive 1, Molino 3, Bacoor City kung saan target ang naunang mga suspek at tinangkang arestuhin ang dalawa matapos ang transaksiyon.

Subalit pumalag ang dalawa at tinangka umanong paputukan ang mga awtoridad kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng nauna.

Narekober mula umano sa mga nasawi ang 180 kilo ng hinihinalang shabu na nakita sa lugar, dalawang baril, at dalawang ID.

Nabatid na si Bangon ay isang top-level personality, may direct contact umano sa Chinese Drug Syndicate, at supplier ng droga sa Visayas at Mindanao.

Samantala, dakong alas-9:15 Huwebes ng gabi nang isa pang operasyon ang isinagawa sa Topacio St., Phase 8, Barangay Magdalo, Bahayang Pag-asa, Imus na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng mag-asawang Micoleta.

Nakuha mula umano sa mag-asawa ang humigit-kumulang 48 kilo ng hinihinalang shabu, dalawang cellphone, dalawang ID, dalawang Metrobank savings passbook, pitaka, at boodle money. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.