Abante Tonite Interactive

P1.5M pekeng LPG nasamsam sa Gasland Marketing

By
270

Sinalakay sa bisa ng search warrant ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang establisimiyento sa distrito ng Paco at nasamsam dito ang may P1.5 milyong halaga ng diumano’y mga depek­tibo at pekeng liquefied petroleum gas (LPG) kamakalawa.

Nalaman kay Chief Inspector Reynante Parlade, hepe ng MPD-Special Operations Unit, na ang nasabing establisimiyento ay inookupahan ng Gasland Marketing (Gas Appliances and Spare Parts) na matatagpuan sa 1413-1415 Mahatma Gandhi Street, kanto ng Apacible Street sa Paco, Maynila.

Nagreklamo diumano sa MPD ang isang kompanya dahil sa panggagaya sa pangalan ng kanilang LPG na ibinebenta sa murang halaga at ang pagre-­refill at pagbebenta nito ay isinasagawa sa mismong tindahan.

Nang maberipika ang sumbong ay agad humingi ng search warrant ang pulisya na inisyu ni Presiding Judge Merianthe Pacita Zuraek ng Manila Regional Trial Court Branch 51.

Sinalakay ng mga operatiba ng MPD ang lugar alas-singko ng hapon at inabot ng gabi kung saan ay tumambad sa kanila ang daan-daang mga depektibo at pekeng tangke ng Solane LPG.

Nalaman na karamihan sa mga tangke ay bulok na, kinakalawang at delikado nang gamitin lalo pa at hindi ito dumaan sa masusing inspeksiyon.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines ang may-ari ng tinda­hang sinalakay na si Leopoldo Galpao sa Manila Prosecutor’s Office.