Abante Tonite Interactive

P1.8M shabu nasabat sa 3 tulak

426

Arestado ang tatlong lalaki na tulak ng iligal na droga, matapos masamsam sa kanila ang mahigit P1.8 mil­yon halaga ng shabu, sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, Linggo nang umaga.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naaresto na sina Marvin Perales, 25-anyos, Marvin Turla, 30-anyos at Cresencio Arroyo, 33-anyos.

Nagkasa ng operasyon ang operatiba sa Brgy. San Jose, Navotas City alas-8:30 ng umaga at isang undercover ang bumili ng shabu sa tatlong suspek sa halagang P1,000.

Matapos ang palitan ng droga at pera, doon na dinampot ng ibang pulis na naroroon ang tatlong drug pusher at nang kapkapan nakuha sa kanila ang anim na plastic sachet at tatlong ice bag na may lamang shabu na tumitimbang ng 270 gramo at may market value na P1,836,000.

Walang piyansang inerekomenda ang piskalya para sa pansamantalang paglaya sa mga dinakip. (Orlan Linde)