Abante Tonite Interactive

P10 bilyong halaga ng gusali ng Senado tamang desisyon nga ba?

By
369

Nagkakaisa ang mga miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pagdepensa sa pag-apruba ng P10 bilyon para gugulin sa pagpapatayo ng gusali ng Senado sa Taguig.

Buwelta nga ni Senador Panfilo Lacson na siyang chairman ng committee on accounts sa mga bumabatikos sa hakbang ng Senado na magtayo at gumastos ng P10B sa bagong Senate building, para naman ito sa kapakinabangan ng bansa.

Bukod pa siyempre sa ito o ang AECOM ang nanalong pinakamababang bidder ng proyekto na nagkakahalaga ng P4.58 bil­yon.

Para rin sa kaalaman ng ating kababayan sa kasalukuyan, ang Senado ay gumagastos ng P127 milyong taunang renta sa kasalukuyang tanggapan ng Senado sa Pasay City.

Kung pagbabasehan ang taunang gastos, may katuwiran ang Senado na magdesisyong magtayo na ng sarili nilang tanggapan. Mas­yadong malaki ang P127 taunang gastos sa renta.

Malinaw sa anunsiyo ng Senado na mahigit P4B lamang ang bid ng Senate building, ibig sabihin kaya P10B ang inilalaan ay para gugulin sa iba pang pangangailangan sa konstruksiyon.

Masyadong malaki ang pasobra na halos P6B kaya hindi tayo magtatakang may mag-ingay at bumatikos sa hakbang na ito ng Senado.

Ang sa akin lang sana ay magamit sa tunay na layunin ang inilaang pondo dahil umaatikabong P10B ito. Masyadong mala­ki pero para sa mga politikong gahaman, maliit pa ito para pagpartehan.

Pero alam nating hindi ito papayagang mangyari ni Sen. Lacson, kaya nga lamang kung mag-isa lang siya, napakahirap magtiwala lalo na’t mara­ming nasa Senado ang dati ay nagpakasasa sa kanilang pork barrel kaya hindi maiwasang magduda na marami sa kanilang intensiyon ay magtayo ng sariling gusali.

Kaya ang ating ha­mon kay Senador Lacson, bantayang maigi ang paggastos ng Senado sa konstruksiyon ng kanilang bagong gusali upang maabatan sakali mang may masamang binabalak ang iba niyang kasamahan.

Sa aking palagay ay napapanahon na rin namang magkaroon ng sariling gusali ang Senado dahil nakakahiya namang mara­ming senador, mga politiko, mga opisyal ng gobyerno ay kaliwa’t kanan ang pag-aaring gusali pero karamihan sa mga opisina ng ating gobyerno ay nangu­ngupahan.

Ibig sabihin walang malasakit sa bayan ang karamihan sa mga halal ng taumbayan dahil pansariling interes lamang nila ang kanilang tinitingnan at hindi ang kapakanan ng ating bansa.

Kaya sa iba pang tanggapan ng gobyerno sa national o lokal man ‘yan na walang sawa sa pagrenta sa mga pribadong kompan­ya o indibidwal, baka naman maaari na ninyong ikonsidera ang pagpapatayo ng sariling opisina para naman makatipid at magamit sa ibang proyekto ang pondong inyong inuubos sa pag-upa.