Abante Tonite Interactive

P10 buwis sa plastic bag pinalagan ng mga negosyante

416

Hindi pabor ang Philippine Plastics Industry Association (PPIA) sa panukalang patawan ng P10 excise tax ang single-use plastic bag dahil magdudulot umano ito ng negatibong epekto sa ekonomiya na hahantong sa pagkamatay ng kanilang industriya.

Inihayag ito ni PPIA president Willy Go sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means nitong Lunes sa panukalang batas na nais patawan ng P10 excise tax kada kilo ng single-use plastic bag.

Sa halip na patawan ng buwis, sinabi ni Go na maaari pang makahanap ng ibang paraan ang gobyerno kung paano maisasalba ang kalikasan sa mga plastic waste.

Iminungkahi nito na palakasin pa ang information, education at communication campaign hinggil sa paggamit ng plastic bag.
“But plastics have satisfied all requirements. It is reusable-recyclable, non-toxic and biodegradable. Plastic has become a punching bag,” depensa pa ni Go.

Sa kanyang House Bill No. 178, nais ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing na patawan ng buwis ang mga plastic bag na ginagamit sa mga supermarket, mall, shop, mga tindahan at iba pang establisimyento.

Giit ng mambabatas na kinokontamina ng mga plastic bag ang lupa at mga daluyan ng tubig. Batay aniya sa datos, nasa apat hanggang limang trilyong plastic bag ang ginagamit kada taon at bilyon-bilyon dito ang nagiging basura.

“These are, likewise, toxic to both humans and animals, especially, when accidentally ingested. Plastic marine debris have been documented to harm at least 267 species, among which are sea turtles and dolphins,” sabi ni Suansing.

Batay sa panukala, 50 porsiyento ng buwis na malilikom mula sa mga single-use plastic bag ay ilalaan bilang solid waste management fund alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000. (PNA)