Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P10M tinangay ng sangla-tira gang

0 323

Ni Nancy Carvajal

Sinisiyasat ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may sabwatan sa pagitan ng mga barangay official at ng isang negosyante sa Tondo, Manila hinggil sa umano’y sangla-tira scam kung saan umabot na sa mahigit P10 milyon ang natangay mula sa mga biktima.

Ito’y matapos na makatanggap ng mga reklamo ang NBI Special Action Unit mula sa 71 katao laban sa isang Richard Z. Abela na sangkot umano sa madayang transaksyon hinggil sa isang bahay at lupa sa Alinian Street sa Moriones, Tondo.

Sa inisyal na imbestigasyon ni NBI Agent Tine Diamante, nalaman na ang mga biktima ay mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na nakapagbayad na kay Abela para sa naturang property.

Kaya nanawagan si Diamante sa publiko na mag-ingat sa ganitong scam.

“We implore the public to be aware of this new scam that victimizes people who wants to cut cost and earn extra,” ani Diamante.

Base umano sa testimonya ng mga nagreklamo, hindi sila nagduda na isang scam ang transaksyon dahil ginawa ito sa loob pa man din ng barangay hall at pumirma pa ang mga opisyal bilang testigo sa kontrata.

Ayon kay Diamante, umaabot sa P100,000 hanggang P200,000 ang na-scam sa mga biktima na pawang nagrerenta lamang ng bahay o walang property.

“The barangay officials cannot claim ignorance, because the contract between the victim and the suspect has their signatures and were allegedly signed inside the barangay office,” ani Diamante.

Ang modus operandi, aniya, ng mga suspek ay inalok ang naturang property sa mga biktima bilang collateral para sa utang. Mangangako ang suspek sa mga biktima na puwede silang tumira sa bahay at kikita pa ang kanilang investment.

Subalit hindi naman aniya nangyayari ang “sweet deal”.

“Hanggang mapagod `yong victims, some of them have stopped going to Tondo, while the illegal activities of the suspect continued right under the nose of the barangay officials,” sabi ni Diamante.

Nabatid na pinaghahanap na ngayon ang suspek na nahaharap sa mga arrest warrant at dati na umanong nakulong sa himpilan ng pulisya subalit nakalaya matapos magpiyansa.

Sasampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o large-scale swindling/estafa, na walang piyansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.