Abante Tonite Interactive

P11M smuggled na bigas nasabat sa Zamboanga

212

Nakumpiska ng Philippine Coast Guard (PCG) ang aabot sa P11 milyong halaga ng smuggled na bigas sa Zamboanga City sa kanilang operasyon kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Lt. Commander Noriel Ramos, commander ng Zamboanga Coast Guard Station, dakong alas-11:30 ng gabi nang naharang ng PCG anti-smuggling team ang kargamento na naglalaman ng bigas, matapos makatanggap ng impormasyon na ibababa ito sa Brgy. Recodo.

Nang dumating umano sa lugar ang mga awtoridad ay naiba­ba na ang 7,000 sako ng bigas na may bigat na 25 kilo bawat isa at nakaayos na sa tabi ng mosque.

Naghihintay na lamang umano ito ng mga truck na magdadala sa hindi pa tukoy na warehouse para ma-distribute sa mga mamimili.

Hinala ni Ramos, maaari umanong galing ang nakulimbat na bigas sa Malaysia.