Abante Tonite Interactive

P136M shabu naharang sa Matnog port

250

Arestado ang dalawa katao habang tinata­yang 20 kilo ng shabu na nagkakahalagang P136 milyon ang nasamsam sa mga ito matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Matnog port sa Sorsogon kahapon.

Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, isang buy-bust operation ang isinagawa ng PDEA 5 Sea Port Interdiction Unit at iba pang unit ng kapulisan dakong alas-10:00 ng umaga sa Matnog port sa Brgy. Caloocan ng nabatid na bayan.

Napag-alaman na galing pa ng Maynila ang mga suspek at pasakay ang mga ito sa Matnog port bitbit ang mga iligal na droga patungo sana ng Bisaya.

Naaresto sa nasabing operasyon ang dalawang suspek na sina Irish Yap Dela Peña at Jose Lani Abarido Rocaza, kapwa taga-Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang 20 kilo ng shabu na naka-repack ng tig-iisang kilo at nakalagay sa isang pakete.

Nakakulong na ang mga suspek sa PDEA Region 5 detetion cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa)