Abante Tonite Interactive

P15K renta sa bahay VAT-free na

By
7

Nasa 1.5 milyong pamilyang Filipino ang makikinabang sa pag-apruba ng Senate committee on ways and means na huwag nang patawan ng value-added tax (VAT) ang renta sa bahay na nasa P15,000.00 pababa.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng komite, napagkasunduan ng mga senador sa kanilang pagdinig para sa amendments ng panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na itaas ang tax exemption ng mga nangu­ngupahan sa P15,000.

Sinabi ni Angara na makakatulong ang kanilang napagkasunduan sa mga umuupa tulad ng mga estudyante na nagbi-bed space at mga nagtatrabaho na galing sa probinsya na umuupa ng apartment.

“Tinanggap natin ‘yung amendment na itaas ‘yung VAT exemptions. ‘Yung mga umuupa ng P15,000 pababa ay hindi papatawan ng VAT.

So, ito makakatulong sa mga umuupa – 12 percent din ‘yun so kung sabihin mong P10,000, may balik sa kanya na P1,200 na hindi bubuwisan ng gobyerno.

Makakatulong ito sa mga bedspacer, sa mga nagtatrabaho na umuupa at galing probinsya. Tulong sa kanila ito,” ayon kay Angara.

Kinumpirma naman ni Angara na atubili ang Department of Finance (DOF) sa amyenda dahil kabawasan ito sa kita ng gobyerno subalit nakumbinsi rin aniya nila ito.

“Actually medyo nag-aalangan sila kasi si­yempre bawas ‘yan. Pero sabi namin, hindi naman siguro ga’no kalaki ‘yan, tutal pumayag na rin sila doon sa original P12,800 na nakalagay sa committee report.

Sabi namin, it’s just a small step. Pagbigyan na natin. ‘Yun ang naging diskusyon,” dagdag ng senador.