Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P16B pabuya sa 822 barangay na walang NPA

0 99

Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga panuntunan para sa pamumudmod ng mahigit P16 bilyong pondo sa 822 barangay sa bansa na itinuturing ng administrasyong Duterte na nalipol na ang mga rebeldeng komunista o New People’s Army (NPA).

Ayon sa DBM Local Budget Circular No. 135 na nilagdaan noong Enero 20, 2021, bibigyan ng hanggang P20 milyon ang mga barangay na `cleared’ para magamit sa mga proyektong tulad ng farm to market road, paaralan, tubig, health station, kuryente, pabahay, bakuna, at livelihood project.

Pinakamaraming makukuha ang Davao Region o Region 11 na aabot sa P4.3 bilyon, sumunod ang Region 13 o Caraga na P3.83 bilyon. Maliban sa Dinagat Islands, may makukuha ang lahat ng lalawigan dito tulad ng Agusan Del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte at Surigao del Sur. May P2.38 bilyong alokasyon naman ang Region 10 o Northern Mindanao.

Pangatlo sa may pinakamalaking alokasyon ang Soccsksargen o Region 12 na P1.24 bilyon ang inilaan. Ang Zamboanga Peninsula o Region 9 ay may P680 milyong alokasyon.

Ang Region VI o Western Visayas kung saan matataguan ang Antique, Capiz, Iloilo, at Negros Occidental, ay may P1.48 bilyong alokasyon.

Tanging ang Northern Samar naman sa Region 8 o Eastern Visayas ang may alokasyon sa ilalim ng Local Government Support Fund-Support to Barangay Development Program of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na P120 milyon.

Ang Bicol o Region 5 ay may alokasyon na P980 milyon, ang Region 4-A o Calabarzon P600 milyon, Mimaropa P500 milyon, Cordillera P160 milyon, Cagayan Valley P120 milyon, at Central Luzon P20 milyon NA PARA LAMANG SA Brgy. San Mateo sa Norzagaray, Bulacan. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.