Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P170M PhilHealth fund pinakalkal sa NBI

0 227

Hiniling ng dalawang komite ng Mababang Kapulung ng Kongreso na kalkalin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y P170 milyong pondo na nawawala sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kaugnay umano ito sa ‘settlement’ sa pagitan ng PhilHealth at Hospital Managers Inc. (HMI) na dating nangangasiwa sa Cardinal Santos Medical Center.

Si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na naghain ng mosyon para hingin sa NBI na imbestigahan ang usaping ito na nangyari umano noon pang 2011 kasabay ng posibleng paghahain ng kaso laban sa mga sangkot na opisyal gayundin ang pagbawi sa nawalang pondo.

Sinabi ni Barzaga na hilingin sa NBI na magsagawa ng fact-finding investigation hinggil sa nasabing kaso dahil nakasaad naman sa Revised Penal Code na mayroong “prescriptive period” na 20 taon para sa isang kaso.

Inaprubahan naman ito ng House committee on public accounts at committee on good government and public accountability sa joint hearing nitong Huwebes hinggil sa mga alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Una nang inungkat sa pagdinig ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang naturang `settlement’ sa pagitan ng PhilHealth at HMI.

Lumitaw na unang hiningi ng PhilHealth sa HMI ay P240 milyon dahil sa umano’y ginawang ‘under-deduction’ nito mula sa mga payment balance ng kanilang mga pasyente.

Ngunit sa halip na i-refund ang naturang halaga, ang HMI pa ang nagsampa ng kaso laban sa PhilHealth dahilan upang magkaroon umano ng arbitration na nauwi sa settlement.

“Bakit imbes na ang PhilHealth ang magdemanda sa HMI, nakakapagtaka naman ang nagdemanda pa sa inyo ay `yong HMI, baliktad ang nangyari? Madaling sukatin ito e. The processes taken by PhilHealth is very suggestive of corruption. Imbes na kayo ang magdemanda, hinintay ninyo na kayo ang idemanda ng HMI. The case eventually ended with the settlement of only P170 million, short of P70 million from the original amount,” giit pa ni Marcoleta.

Ngunit depensa naman ni dating Senior Vice President for Legal Sector Edgar Asuncion na ang P70 million settlement ay base sa pasya ng korte. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.