Abante Tonite Interactive

P175B PNR South Railway project sisimulan sa Q2 2020

510

Sisimulan na sa ika-2 quarter ng 2020 ang Phase 1 ng P175 bil­yong Philippine National Railways (PNR) South Long Haul project na mag-uugnay sa Calamba City sa Laguna at Legazpi City sa Albay.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na nagpanukala at nagtulak sa proyekto at chairman ng Bicol Regional Development Council, nakumpleto na ang bidding para sa 408 kilo­metrong proyekto nga­yong buwan.

Bahagi ito ng 639 kilometrong PNR Long Haul mula Manila hanggang Sorsogon, at bahagi rin ng PNR Luzon System program na tatakbo mula Clark sa Pampanga hanggang Matnog sa Sorsogon.

“Sa wakas, ang PNR South Railways pro­ject na pinaghirapan nating balangkasin at magbubukas sa potensyal na yaman sa Hi­lagang Katagalugan at Bikolandiya ay magkakatotoo na,” masiglang sinabi ni Salceda.

Paiiksiin din ng proyekto ang biyahe mula Manila hanggang Legazpi sa limang oras lamang mula sa kasalukuyang halos 12 oras.

May siyam na pa­ngunahing estasyon ito — Manila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog sa Sorsogon.