Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P18B sa Bayanihan 2 nakatengga pa – Palasyo

0 91

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nasa P18 bilyong pondo na inilaan sa Bayanihan ang hindi pa nagagalaw o nailalabas hanggang ngayon.

Sinabi ito ng kalihim kasunod ng panawagan ng mga mambabatas sa Kamara na magpatawag ang Malacañang ng special session para aprubahan ang pagpapalawig ng Republic Act No. 11519 o Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

“Well, kinukumpirma ko po `no, na sang-ayon po sa datos ng DBM [Department of Budget and Management], ang mga na-obligate po sa Bayanihan 2 ay P123.2 billion or 87.01 percent. So may balanse po talaga na P18.4 billion or 13 percent,” sabi ni Roque sa press briefing nitong Lunes.

Hindi naman masabi ni Roque kung magpapatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte para palawigin ang Bayanihan 2.

Una nang pinalawig ang validity ng Bayanihan 2 hanggang Hunyo 30 ngayong taon matapos na magwakas ang bisa nito bilang batas noong Disyembre 19, 2020.

Samantala, iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda na magsagawa ng special session para sa Bayanihan 2 para magamit ang pondong nakapaloob dito na hindi pa nailalabas.

Kapag hindi napalawig uli ang Bayanihan 2 ay ibabalik sa National Treasury ang hindi nagamit na pondo. (Aileen Taliping/Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.