Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P1B ayuda siguruhing aabot sa mga tsuper – Lacson

0 197

Kinakalampag na ngayon pa lamang ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang pamahalaan para tiyakin na makakarating sa mga tsuper ang mahigit P1 bilyong ayuda na ipagkakaloob sa sektor ng pampublikong transportasyon sa gitna na rin ng patuloy na taas-presyo ng petrolyo.

Inihayag ito ni Lacson kahapon kasabay ng kanyang pagsusulong ng pamamaraan para siguradong aabot ang tulong sa mga drayber at iba pang manggagawa na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.

“Ang latest dito, maglalabas sila ng P1 bilyon pero sabi ng pangulo ninyo, saan mapupunta na naman? Galing sa national, ibababa sa local, dadaan sa ahensya, iba-validate ng kung anu-anong ahensya, hindi nakakarating sa dapat puntahan,” ani Lacson.

Inihayag ito ni Lacson sa isang pagpupulong sa Lipa City, Batangas kasama ang mga lider at miyembro ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) and Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).

“Ito ang dapat tugunan kasi sa pandemya kung hindi data-driven ang ating gagamitin para sa pagtulong walang mangyayari kasi kung saan-saan mapupunta yan,” dagdag nito.

Sabi ni Lacson, na anak ng isang jeepney driver, napag-alaman nila sa isang oversight review na isang porsyento lamang ng P5.58 bilyon na ayuda para sa public utility vehicle (PUV) driver galing sa Bayanihan 2 ang nakarating sa mga benepisyaryo niyo.

Nauna rito ay nagpahayag ng pasasalamat ang Malacañang sa P1 bilyong ayuda na inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa mga tsuper na apektado ng taas-presyo ng petrolyo.

Aniya, kumpiyansa ang Malacañang na maipamamahagi sa nalalabing buwan ng taon ang P1 bilyong fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.