Abante Tonite Interactive

P1B pondo ng DILG sa ASEAN 2017 nawawala

By
1,825

Nabutasan ng Commission on Audit (COA) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos matuklasan na umabot sa mahigit P1 bilyon ang nawawalang pondo ng ahensya na inilaan para suportahan ang pagdaraos ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) sa bansa noong nakaraang taon.

Sa kanilang annual audit report, sinabi ng COA na sumirit sa P1.046 bilyon ang unliquidated fund ng DILG na ipinamahagi sa mga implementing agencies (IAs) na umagapay sa pamahalaan para sa paghahanda sa nasabing summit.
Bilang host country ng ASEAN 2017, pinamunuan ng DILG ang paghahanda sa ginanap na pagpupulong ng mga lider ng mga bansa sa Asya tulad ng paglalatag ng mga programa at pagbuo ng iba’t ibang task group para sa kaayusan ng summit at seguridad ng mga dumalong pinuno.

Gayunman, sinabi ng COA na sumablay ang DILG sa kanilang ulat ng mga naging gastusin noong nakaraang taon dahil na rin sa kabiguan ng mga IAs na makapagsumite ng kanilang li­quidation report kalakip ang mga kailangang dokumento sa loob ng itinakdang panahon na ipinag-uutos ng COA.

Nasita rin ng COA ang DILG dahil sa discrepancy na P404.138 milyon sa balanse ng kanilang mga fund transfer sa libro ng DILG at sa libro ng walong IAs.

Natuklasan din ng COA na hindi napabilang sa Memoranda of Agreement (MOA) sa pagitan ng DILG at 11 pang IAs ang pagpapalabas ng P800.84 milyon bilang supplemental fund sa nasabing okasyon.

Dahil dito inirekomenda ng COA sa DILG na tukuyin ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat partidong sasali sa anumang kasunduan na isasakatuparan nila sa hinaharap; atasan ang kanilang accountant na bantayan at ipatupad nang maayos ang pagsasalin ng pondo sa mga ahensya ng gobyerno at iwasto ang mga nagawang kapalpakan sa libro ng DILG at mga IAs para magtugma ang kanilang mga ulat. (Mia Billones)