Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P1M `bato’ nasamsam sa 2 galamay ng sindikato

0 113

Mahigit sa P1 milyong halaga ng mga hinihinalang shabu ang nakumpiska ng pulisya kasunod ng pagkakalambat sa dalawa pang miyembro ng sindikato sa iligal na droga sa Taguig City noong Miyerkoles.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Shanilyn Hacog, 42, at Filomino Paswif, 40, kapwa residente sa PNR Site FTI Compound, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.

Ikinasa ang buy-bust laban sa mga suspek sa ARCA South Western Bicutan bandang alas-3:30 ng hapon noong Miyerkoles na nagresulta sa pagkakakumpiska ng may 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon.

Sinabi ni Macaraeg na konektado ang dalawa sa tatlong suspek na naaresto ng pulisya noong Martes ng gabi kung saan ay napatay ni Juan Tenerife, 27 anyos, ang kasamahan nilang si Lorbe Basilan, 57 anyos, habang nakikipagbarilan sa pulis na binentahan niya ng shabu sa isang buy-bust operation sa Purok 9, PNR Site, Brgy. Western Bicutan.

Iginiit ni Macaraeg na hindi nila lulubayan ang mga sindikato ng droga sa kanilang hurisdiksyon dahil alam nilang marami pa itong galamay na nagkakalat ng shabu sa paligid.(Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.