Abante Tonite Interactive

P1M ‘bato’ timbog sa ALS student

379

Isang estudyante ng Alternative Learning System (ALS) at tatlo nitong parokyano ang nasakote sa buy-bust operation sa Quezon City Martes ng gabi kung saan may P1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Quezon City Police District director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, naaresto ng mga tauhan ng Batasan Police Station 6 sa pamumuno ni Police Lt. Col. Romulus Gadaoni ang ALS student na kinilalang si Jeth Russel Biatin alyas ‘Pandoy’, 21-anyos at taga-Barangay Culiat sa nasabing lungsod.

“Nagipit lang po. Wala na po akong mga magulang ako na lang po bumubuhay sa mga kapatid ko,” pahayag ng suspek matapos maaresto.

Kasamang inaresto ang tatlo niyang parokyano na sina Gerry Roxas, 40, na kabilang sa watchlist ng Directorate for Intelligence; RJ Viovicente, 32; at Antonio Neri, 42, pawang taga-Barangay Old Balara, Quezon City.

Dakong alas-11:30 ng gabi nang masakote ang mga suspek matapos bentahan ng P50,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na adik.

Nasa 150 gramo ng shabu na tinatayang mahigit P1 milyong halaga ang nakumpiska ng mga pulis at nakuha rin ang isang cellphone na ginagamit umano sa transaksyon.

Ayon kay Gadaoni, galing pa sa Bicutan ang droga.
“Itong mga nahuli ay nakakaubos ng halos kalahating kilo ng droga sa loob lamang ng isang linggo,” sabi pa ni Gadaoni sa isang panayam.

Nakakulong na sila ngayon dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly Cabreza)