Abante Tonite Interactive

P1M Ecstasy delivery nasilat

By
244

Umaabot sa P1 mil­yong halaga ng mga ecstasy na posibleng ibebenta o idedeliber sa mga bar at night club ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang 38-anyos na lalaki na kanilang naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Wenifredo Alagabia, ng Special Enforcement Agency ng PDEA, ang suspek na si Carlo Santos, alyas “Elmo”, naninirahan sa M.L. Quezon St., Bagong Bayan, Taguig City.

Dakong alas-2:20 ng madaling-araw nang masakote ang suspek sa ikinasang buy-bust operation sa Mother Ignacia Avenue, Quezon City matapos na makumpirma umano na nagbebenta ito ng ecstasy sa ilang bar at night club sa Metro Manila.

Abante Hiring – IT dep

Nakumpiska sa suspek ang may 330 piraso ng tableta at 40 kapsula ng ecstasy at siyam na bote ng energy drink na naglalaman ng liquid ecstasy na aabot sa P1 milyon ang kabuuang halaga.

Ayaw umanong magsalita ng suspek kung saan-saang bar at night club sa Quezon City at sa iba pang lungsod ng Metro Manila siya nagsusuplay ng party drugs at hindi rin inamin kung kanino siya kumukuha nito.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa PDEA detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.