Abante Tonite Interactive

P1M halaga ng mga computer ninakaw sa iskul

116

Arestado ang isang security guard na sangkot diumano sa pagnanakaw ng halos P1 milyong halaga ng mga computer at spare parts nito sa binabantayang National High School sa Damulog, Bukidnon.

Ayon kay Police Regional Office 10 director Police Brig. Gen. Rolando Anduyan, kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na kinilalang si Eddibe Talib, 49-anyos, na naaresto ng mga pulis sa kanyang bahay dakong alas-kuwatro nang hapon noong Lunes.

Base sa ulat ng pulisya, ini-report ng guro na si Jovanni Deriquito sa Damulog Municipal Police Station ang nangyaring nakawan sa kanilang eskuwelahan.

Lumalabas sa pag-iimbestiga ng pulisya na puwersahang binuksan ang computer room ng eskuwelahan at kinuha ng mga magnanakaw ang 25 unit ng computer desktop na nagkakahalaga ng P31,890 kada isa at dalawang unit ng Coby DPC 1910-Host na may halagang P63,212.

Ayon kay Anduyan, sa dami ng desktop computer na ninakaw ay hindi maaaring walang kasabwat ang suspek.

Isa ring saksi ang nakakita na ikinakarga ng hindi pa kilalang kasabwat sa nakawan ang mga desktop sa isang multicab na walang plaka.
Patuloy ang manhunt operation ng pulisya laban sa kasamahan ni Talib. (Edwin Balasa)