Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P1M shabu tinago sa supermarket baggage counter

0 168

Inaalam na ng Southern Police District (SPD) ang sindikatong nasa likod ng bigong pagpupuslit sa mahigit 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon matapos itong iwan at hindi na nabawi sa baggage counter ng isang supermarket sa Makati City.

Ayo sa pulisya, iniwan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang plastic sa baggage counter ng Uni-Mec Supermarket na matatagpuan sa Sampaguita St., sa kanto ng JP Rizal Avenue, Brgy. Comembo, Makati City bandang alas-dos ng hapon noong Biyernes.

Bumalik ang lalaki at tinangka itong kunin noong Linggo ng alas-dos ng hapon pero hindi ito ibinigay ng baggage boy dahil wala umanong maipakitang claim stub ang lalaki hanggang magsara ang tindahan.

Nagpasya ang management ng supermarket na buksan ang plastic at nagulat sila sa laman nitong mga plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakabalot sa dalawang eco bag. May timbang itong 200.69 gramo at nagkakahalaga ng P1,304,485, batay sa pagsisiyasat.

Nagsagawa ng surveillance operation sa paligid ng lugar noong Lunes ng umaga para sa posibleng pag-aresto sa suspek pero walang lumutang sa supermarket para kunin ang plastic. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.