Abante Tonite Interactive

P200B ‘di dadaan sa mga politiko! DSWD mangunguna sa cash aid- Duterte

699

Hindi dadaan sa mga politiko ang P200 billion na tulong ng gobyerno para sa 18 milyong Pilipino na naapektuhan ng enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Miyerkules nang gabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagkatiwala niya kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Rolando Bautista ang distribusyon ng pagkain at pera para maalis ang mga pagdududa na kukupitin o ibubulsa ng mga politiko ang pera para sa mga mahihirap.

“Tinanggal ko sa politiko kasi maraming reklamo. Tinanggal ko sa politiko yung distribution ng pera pati bigas . Ibinigay ko kay DSWD secretary Bautista dahil may sariling network na yan,” anang Pangulo.

Huwag aniyang magduda na kukurakutin ng mga pinagtiwalaan niyang opisyal ang salapi dahil tapat ang mga ito at mga dating militar.

“Do not entertain doubts about dishonesty and corruption. Hindi yan panahon ngayon. Not this time ako mismo magsasabi,” dagdag ng Pangulo.

Nakarating sa kaalaman ng Pangulo ang ginawang pangungurakot at pangungupit ilang politico partikular sa mga LGU ng mga pagkain at nire-repack kaya ibinigay na niya sa DSWD ang pangangasiwa ng distribusyon nito.

“Kasi yung nagdi-distrbute kina-cutting. Instead of seven gawain ninyong five doon sa itaas sa repacking. Kaya ngayon DSWD na at yung pera DSWD pati si Secretary Galvez,” wika pa ng Pangulo.

Kasabay nito, pinabibilisan ni Pangulong Duterte ang distribusyon ng bigas at pagkain para maibigay agad ito sa mga pinakamahihirap na Pilipino.

Nakiusap ang Presidente sa publiko sa maghintay ng konting panahon at tiniyak na darating ang pagkain at tulong pinansiyal sa mga ito.

“Magtiis na lang siguro kayo ng delayed delivery pero darating yan at hindi ka magugutom. Hindi ka mamamatay sa gutom,” dagdag pa ng Pangulo.(Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad