Abante Tonite Interactive

P200K shabu nasamsam sa La Union

201

Umabot sa higit P200,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng San Fernando City Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency-Region 1 at inaresto ang dalawang katao matapos ang isinagawang anti-illegal drug operation noong Huwebes nang gabi sa San Fernando City, La Union.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Micaela Paloma, 49, ng Montera Homes, Bucabdala, Imus, Cavite; at Frederick Filomeno, 44, ng Brgy. Ilocanos Sur, sa nasabing siyudad.

Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad ukol sa transaksiyon ng iligal na droga sa lugar.

Dito na nagkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa.

Nabatid na inaangkat umano ng mga suspek ang shabu sa Cavite upang ibenta ito sa San Fernando City, La Union.

Nakumpiska mula sa suspek ay ang mga shabu, illegal-drug paraphernalia at P200 marked money na ginamit sa operasyon. (Allan Bergonia)