Abante Tonite Interactive

P200M ‘tsaa-bu’ nasabat

312

Arestado ang isang high-profile drug personality na kinikilalang kanang-kamay ng mga drug lord na nakakulong ngayon sa National Bilibid Prison (NBP) matapos mahulihan ng P204 milyong halaga ng shabu na nakabalot sa tea bags sa loob ng kanyang condominium unit sa Sorrento Oasis Residences, Brgy. Rosario, Pasig City, Lunes nang gabi.

Sa nakalap na report, ikinasa ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Eastern Police District (EPD), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Pasig Police ang inisyung search warrant laban kay Manolito Lugo Carlos alyas ‘Lito’ at ‘Tonge’, sa tinitirhang unit sa Sorrento Oasis Residences, C. Raymundo Ave., Brgy. Rosario, alas-7:40, Lunes nang gabi.

Nabatid na si Lugo ay major target ng NCRPO at main player ng syndicated organized gang na sangkot sa illegal drug trafficking na nag-o-operate sa Metro Manila, Region 3 and Calabarzon areas.

Napag-alamang konektado si Lugo sa mga kilalang drug personalities na nakakulong ngayon sa NBP, Muntinlupa City at umano’y kanang-kamay ng convicted drug lord na siyang namamahala sa pag-iimbak at pamamahagi ng iligal na droga.

Nakumpiska mula sa suspek ang 30 piraso ng plastic pack ng Chinese tea na naglalaman ng 30 kilos ng shabu at nagkakahalagang P204 milyon, assorted drug paraphernalia at iba’t ibang deposit slips na nakalaan ang remmitance para sa bayarin ng droga. (Vick Aquino/Armida Rico)