Abante Tonite Interactive

P24M Ecstasy galing France naharang

By
365

Tinatayang aabot sa P24 milyong halaga ng mga tableta ng ecstasy na galing sa France ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon na isinagawa sa Central Mail Exchange Center sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City noong Biyernes.

Batay sa paunang ulat ng BOC, itinago ang 14,204 tableta ng ecstasy sa central processing unit ng isang desktop computer.

Inihayag ng mga ope­ratiba ng BOC na hinihintay nila ang kukuha ng package sa katauhan ng isang Joan Reynoso, 42-anyos, na mula sa Cavite, pagkatapos dumating ang kargamento sa bansa galing sa France noong Agosto 4 ngayong taon.

Dadalhin ang mga nasabat na ecstasy sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa kustodya nito at sa gagawing pagsisiyasat.

Ayon sa mga opisyal ng NAIA, simula nang i-upgrade ng BOC ang mga X-ray machine nito sa cargo at passenger terminal ay nakakahuli na ng mga kargamento na naglalaman ng iligal na droga sa nasabing paliparan.

Una nito, ang BOC ay nakasamsam ng P3.340 milyong halaga ng 962 piraso ng ecstasy mula sa The Netherlands noong Abril at 1,003 mula sa Germany nitong Hulyo.