Abante Tonite Interactive

P270B itapal sa lockdown

574

Naliliitan ang mga negosyante sa Pilipinas sa itinutulak ng Department of Finance (DOF) na P27 bilyong karagdagang budget ngayong taon para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa na apektado ng enhanced community quarantine sa Luzon at ilan pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao upang mapigilan ang karahasan at social unrest.

Para maibsan ang hirap na dinaranas sa kasalukuyan ng mga Pilipino at mabawasan ang pinsalang idudulot sa ekonomiya ng ipinatupad na lockdown laban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hiniling ng 32 grupo ng mga negosyante kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Kongreso na aprubahan ang P270 billion supplemental budget.

Ayon sa mga negosyante, hindi sapat ang P27 billion fiscal package na iminungkahi ni Finance Secretary Carlos Dominguez.

“A health issue is now also a hunger issue and may trigger violence and longer term social tensions,” ayon pa sa mga negosyante.

Kailangan umanong dagdagan ng pamahalaan ang pondo nito para sa mga benepisyaryo ng conditional cash transfer (CCT) na siyang pinaka-apektado ng lockdown.

Hiniling din ng mga negosyante na dagdagan ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga programa nito para sa mga manggagawang apektado ng enhanced community quarantine kahit may mga kompanya nang maagang nagpasweldo at nagbigay ng iba pang benepisyo sa kanilang mga empleyado para matulungan ang mga ito habang umiirak ang lockdown.

Hiling din ng mga negosyante na bumuo ng kaukulang hakbang ang pamahalaan para mabigyan ng pondo o pagkain ang mga mahihirap na pamilya.

Dagdagan ang pondo para sa mga temporary hospital at quarantine area uang matiyak ang kakayahan ng mga ito na kupkupin ang inaasahang pagdami ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Nais din ng mga negosyante na maglaan ng pondo ang gobyerno para sa mga micro, small at medium enterprises kapag nakontrol na ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

Buhusan ng tulong pinansiyal ang health, tourism at transport sector katulad ng ginawa sa Italy at Malaysia. Dagdagan ang public spending gaya ng ginawa sa Germany at ipagpaliban muna ang pagmumulta sa interest payments.

Ayon sa mga negosyante, maaari namang makalikom ng pondo mula sa savings o mandated savings ng mga ahensya ng gobyerno maliban ang Department of Health (DOH), mga local government unit, mga frontliner at mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan.

“This massive stimulus will save lives and protect our society but will not trigger alarm bells in the credit rating and global investment community,” ayon sa joint statement ng mga negosyante.

Kabilang sa mga lumagda sa joint statement ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the

Philippines (ECOP), PhilExport, Philippine Franchise Association, at ang Makati Business Club (MBC). (Eileen Mencias)