Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P28B singit sa DPWH maraming bakuna na sana

0 219

Pinaglaban talaga ng pitpitan ng mga kongresista ang P28 bilyon na isinaksak sa budget ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

Wagi ang mga kongresista dahil walang nagawa si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na nakadiskubre sa P28B singit sapagkat pasok pa rin ito sa P4.5 trilyong national budget sa 2021.

Nakakalungkot lang isipan na talagang ipinilit ng mga kongresista ng nasabing pondo para magamit sa kanilang mga proyektong imprastraktura gayong nahaharap ang bansa sa pandemya.

Kumbaga ay mas kailangan ng mga Pinoy ang bakuna sa halip na pagpapasemento ng kalsada, pagpapatayo ng basketball o covered court at iba pang nakasanayan nilang mga proyekto para ibalandra ang kanilang pangalan at mukha para maalala sa nalalapit na 2022 eleksyon.

Hindi ba nila naisip na sandamakmak nang bakuna sa COVID-19 ang mabibili sa halagang P28B na isiningit nila sa DPWH budget?

Ang COVID-19 mass vaccination ay umarangkada na sa United Kingdom at Russia at susunod na nga ang US, Canada, Mexico, Bahrain at Saudi Arabia bago matapos ang taon.

Oo nga at sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, pero sana nagkusang tumulong sa gobyerno ang ating mga kongresista at ilaan ang pondo nila sa DPWH na pandagdag sa pambili ng bakuna para mas maraming Pilipino ang maligtas sa COVID-19.

Kaya hindi na tayo dapat magtaka kung bumulusok na naman pababa ang trust at approval rating ng Kamara na pinagsikapang itaas nang nakaraang liderato sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kongreso dahil sa ganyang diskarte.

Lantaran na ang diskarte particular ang paghahanda sa eleksyon sa halip na tumulong sa bansa para maging ligtas sa COVID-19 ang mas maraming Pilipino.

***

Nais nating bigyang pansin ang rebelasyon ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na karamihan sa nabibiling honey sa merkado ay gawa sa sugar syrup.

Base sa pag-aaral ng DOST-PNRI , 80 percent o 62 sa 74 brand ng honey sa merkado ay nakitaan ng 95 percent sugar syrup sa kanilang produkto.

Nasa 12 sa 16 local brand naman daw ang nabebenta sa grocery, at 64 sa 74 produkto sa online ang hindi rin gawa sa purong honey.

Nakakabahala ang ulat na ito ng DOST.

Hindi lang ito panloloko, kundi ipapahamak din nito ang kalusugan ng mga mamimili sa pag-aakalang matinong honey ang kanilang binibili.

Kaya tama lamang na tutukan ito ng kinauukulang ahensya ng gobyerno para matigil ang pagsasamantala ng maraming negosyante at maisalba rin ang naapektuhang sector o ang mga honey producer.

Leave A Reply

Your email address will not be published.