Abante Tonite Interactive

P2B taklobo nasabat sa Gensan

228

Mahigit sa dalawang bilyong pisong halaga ng taklobo ang nasabat ng pulisya sa Brgy. Bawing, General Santos City kamakalawa.

Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ang pulisya ng sumbong hinggil sa tone-toneladang taklobo na nakatambak sa lugar, ayon na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) Davao Region.

Ang nasabing mga taklobo ay ibinibenta umano sa halagang P5,000 kada kilo. Ginagawa umanong alahas ang mga ito tulad ng perlas kung saan isa rin umano ito sa mga sangkap sa paggawa ng cosmetic products.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Soccsksargen, galing sa iba’t ibang lugar ang mga taklobo na aabot sa 120,000 tonelada.

Depensa ng mga sinitang hinarang na hunter, wala silang nilabag na batas dahil galing umano sa bundok ang mga taklobo kasabay ng pagpapakita nila ng bitbit na treasure hunting and disposition of recovered treasures permit.

Kinontra naman ito ng BFAR at sinabing iligal ang panga­ngalap nito sa dagat man o ma­ging sa kabundukan.

Sa kasalukuyan ay inaalam ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng mga nasabat na endangered species.