Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P2M ecstasy sinamsam sa BGC buy-bust

0 291

Arestado ang apat katao habang mahigit P1.9 milyong halaga ng pinaniniwalaang mga ecstasy tablet at capsule ang nakumpiska ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation, Huwebes ng gabi sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Timothy Espiritu alyas ‘Elix’, Lorenzo Barredo, John Galas, at Aureo Cabus Jr.

Ayon kay NCRPO Director PMGen. Vicente Danao Jr., isang buy-bust operation ang ginawa ng mga tauhan ng PDEA-NCR, SPD at PCP-BGC Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi sa 26 Street kanto ng Rizal Drive, BGC.

Isang police poseur buyer ang umorder ng iligal na droga sa mga suspek at nagkasundong magkikita sa nasabing lugar.

Matapos dumating ang apat lulan ng isang Range Rover ay agad sinimulan ang transaksiyon at gamit ang boodle money ay nakipagpalitan ang awtoridad ng iligal na droga sa mga suspek na hindi na nakapalag nang mapalibutan ng mga awtoridad.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 500 piraso ng molly, capsulized ecstasy na aabot sa halagang P1.75 milyon at 100 piraso ng MDMA, ecstasy tablet na aabot naman sa halagang P200,000.

Sa ngayon, nakakulong ang apat sa Taguig City PNP detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.